Saturday, May 27, 2017

THE NEVERENDING STORY

30-Day Film Challenge

Day 21 – The film that should have never had a sequel

“THE NEVERENDING STORY”

Ito ang pelikulang bumuhay ng malikot kong imahinasyon. Nang mapanood ko ‘to nung elementary ako, napaniwala niya ako sa Magic at sa ibang mundo tulad ng Fantasia. Naniwala ako na merong higanteng asong lumilipad (at nangarap na magkaroon nito), ng higanteng taong bato, ng higanteng pagong. Naniwala ako na merong prinsesa tulad ng Childlike Empress sa ibang mundo at nagfeeling na maging siya. Kapag walang tao sa bahay, pumupunta ako sa harap ng salamin, binibigkas ang “Bastian, please… Save us!” habang nakapulupot sa noo ko ang gold necklace ng mommy ko. At with matching pagluha din ‘yun.

First time kong nagka-crush sa bidang lalaki, hindi kay Bastian, kundi kay Atreyu. Feeling ko, ipagtatanggol niya ako sa lahat ng mga kakalaban sa akin. Kaya nga nang lamunin ng kumunoy ‘yung kabayo niya, nakisimpatya ako sa kalungkutan niya. Naiyak ako. At saka ako nagkaroon ng phobia sa kumunoy. Dun nagstart ‘yung binabangungot ako sa lumulubog na kumunoy.

Naalala ko, nung Grade 4 ako, gumawa ako ng NeverEnding Story book. Nakakita kasi ako ng malaking libro na katulad ng nasa movie tapos nilagyan ko ng design na ahas na pabilog ‘yung cover. Tapos binudburan ko ito ng sandakot na silver glitters.

Sa harap ng bahay namin, pinatong ko ‘yun sa monoblock chair at sinilip ko sa bintana kung sino ang makakapansin nun. Nag-imagine ako, kung sino man ang unang makakadampot nun ay hihigupin ng libro at mapupunta sa mundo ng Fantasia.

E walang pumansin. Dedma ang mga kapitbahay sa Joni’s version ng NeverEnding Story book. Namuti lang ang mga mata ko sa kahihintay. So nag-one day showing lang siya.

Ito ang pelikulang pinagkopyahan ng Once Upon A Time ni Dolphy. At ng Magic Kingdom series nina Peque Gallaga at Lore Reyes.

Pati ‘yung theme song nito, kapag naririnig ko pa rin ngayon, bigla akong bumabalik sa moment ng pagkabata at nagsu-switch on ang moments ko watching the film.

Kaya nga nung nabalitaan ko ‘tong may sequel at ang bida pa man din e ang crush ng bayan nung 90’s na si Jonathan Brandis, e hinintay ko ang release nito sa Betamax. Kaso kumain ng taon ang paghihintay ko at lumabas na ito sa panahon ng VHS. At nang mapanood ko na ito, super doper disappointed ako. Nakakapagtampo.

Kasi bukod sa tumanda ng ilang taon ‘yung mga bida/characters. Parang hindi na sila. Si Childlike Empress naging kinky ang buhok at papuntang Chucky doll na! Nagpakulot ang bruha. May parlor sa Fantasia!

At parang di naalagaan si Falkor. Nagmukhang asong kalye!

Ang kapal ng mukha ng producer nito para maki-ride sa isang napakagandang pelikula. Ganun nga, parang gusto lang kumita ng producer at nag-compromise sa quality.

Nakasimangot talaga ako the whole day after ko itong mapanood. Sinira nitong sequel ang magic nung original film. Wala sa kalingkingan ng sequel ang 1984 version nito. Hindi nabigyan ng hustisya!

At nanganak pa ito ng part 3. Siyempre, this time, nagbabakasakali akong babawi at baka kasingganda na ito ng original. So first day of showing, pinanood ko ‘to sa sinehan. At gusto kong sunugin ang sinehan sa sobrang disappointment ko. Parang episode ng Okay Ka Fairy Ko ang buong pelikula! Hindi lang ‘yung story at effects, mas pumangit pa lalo si Falkor! Naging malnourished!

To all my millenials blog readers, I suggest you watch this film. Ito ang Harry Potter namin nung 80’s. Yung part 1 nga lang ang maganda.

Sana magkaroon na ‘to ng remake. Exciting na mapanood ‘to sa IMAX 3D.

No comments:

Post a Comment