Itong KNIVES OUT, panalo.
Para akong nagbasa ng whodunit mystery novel nang hindi
nabagot at nawindang sa twist. Very satisfying.
Naibalik niya 'yung memory at pakiramdam ko nung teenager
ako, noong panahong adik na adik pa ako sa pagbabasa ng mga whodunit/murder-mystery
novels (Erle Stanley Gardner's Perry Mason Mysteries, Agatha Christie, Jonathan
Kellerman, Hardy Boys, Nancy Drew, Sweet Valley High -- charot lang 'tong
panghuli).
Yung mga nobelang matapos mong pagbintangan at
pagsuspetsahan lahat ng possible murderer e biglang pipihit ng 360 degrees ang
kuwento. Tapos, wiwindangin ka sa totoong killer at 'yung backstory ng motibo
niya.
Ganito 'yun.
Akala ko nga based 'to sa isang mystery novel e. Pero hindi
naman kinleym sa closing credits. Ang nakalagay lang 'written by'. So palagay
ko, sinulat siyang diretso as a screenplay na.
Kuwento ito ng isang mayamang nobelista na natagpuan ng
kanyang housekeeper isang umaga na patay na, naglaslas ng leeg. Isang private
detective ang naatasang mag-imbestiga, ininterview isa-isa ang mga anak ng
nobelista, mga pamilya nito na kasama sa mansion. Kasama pati ang nurse ng
nagpakamatay na isang latina.
Halos lahat sila may motibo sa pagpatay at pagkamkam ng mana.
Ito ang tanong: Nagpakamatay nga ba ang nobelista o pinatay?
Sino ang salarin?
Mukha ba siyang talk movie sa pagkukuwento? Boring? Oo,
parang ganun na nga. More more chikahan verbola. Investigation kemerlu. Question
and answer portion.
Buti na lang, suportado ng playful flashbacks ang mga
chikahan kaya naging entertaining ito. Kung wala lang 'yung flashbacks na 'yun,
puwede ka nang mag-mahjong o pusoy dos with your amigas sa loob sa kaboringan.
Pero mas naging interesting pa ang pelikula nang pumihit ang
kuwento nito bandang gitna nang ma-reveal 'yung totoong nangyari sa pagkamatay
ni nobelista. From whodunit, nag-full blown murder mystery na siya.
Sa simula ng movie, akala ko magiging problematic ang script.
Kasi sa kapapanood ko ng Forensic Files sa Netflix, alam kong ilang weeks lang,
maso-solved na kaagad 'yung case na tulad nito sa tulong ng advanced forensic
science sa States ngayon e. Buti sana kung sinet sa panahon ng MURDER SHE WROTE
'tong movie. Forgivable 'yun. Papasang authentic 'yung kuwento.
Kaso contemporary ito. Kahit buhay pa si Enrile, panahon na
ito ng cellphone at internet. Kaya madali na lang maso-solve 'yung mga
suicide-suicide na ganyan sa US.
Buti na lang nagawan ng eksena at naipasok sa pelikula 'yung
tungkol sa forensics process at araw lang ang time frame ng kuwento, hindi
weeks.
Kung hindi, magtataas talaga ng kilay at mapapangiwi ang
lahat ng Forensic Files fans sa movie. Sasabihin ng mga ito, "Huwag niyo
kaming gawing tanga! Sa Pilipinas lang mabagal ang paglutas ng kaso dahil
panahon pa ng Visconde Massacre ang huling update ng Forensics nila. Kaya nga
hanggang ngayon, wala pa ring lead na sindikato sa mga van na nangunguha ng mga
bata e. Magsitigil kayo!"
Ang pinakanagustuhan ko sa pelikula, bukod sa satisfying nitong
twist (mas satisfying pa kesa sa pagsolve sa nawawalang diary sa MARA CLARA
noon), e ang napakahusay na ensemble casting ng movie. Lahat nagperform!
Lalong-lalo na ni Daniel Craig.
Nasorpresa talaga ako sa kanya, malalim pala siyang aktor.
Habang pinanood ko siya kanina, minsan ang tingin ko, si Kevin Costner na 'yung
umaarte. Minsan naman, si Joel Torre sa husay ng pagbitaw ng mga linya.
Hindi lang pala siya pang-angas-angasan acting tulad sa
James Bond movies niya. Bigyan mo siya ng monologue, makaka-deliver 'yan si
Daddy.
Kanomi-nominate siya sa pagka-Best Supporting Actor sa
pelikula, para sa akin.
Sa mga whodunit/murder mystery fans diyan, habulin niyo 'to
sa mga sinehan. Hindi kayo magsisisi. Mas makabubuting dapat nakakain kayo nang
tama at nakatulog nang mahaba-haba bago niyo siya tuusin sa sinehan para mas
maintindihan niyo ang pelikula. Maraming detalye kayong dapat malaman sa
dialogue.
Kalevel 'to ng SEARCHING sa ganda.
VERDICT:
Apat na banga.
No comments:
Post a Comment