Monday, April 15, 2019

GRETA

Kaninang hapon, pauwi na sana from Makati Med from a quarterly medical check-up sa psychiatrist ko, nang maisipan kong dumaan sa pinakamalapit na mall, ang Greenbelt. Magpapalamig muna dun kesa umuwi ng bahay at pagdusahan ang init gawa nang sira ang aircon ko. E araw-araw na lang non-stop ang pa-shower ng pawis sa kili-kili ko. Yung kahit madaling araw, ganun pa din kainit.

Kaya nagdecide akong magbabad muna sa mall.

Nilakad ko ang Greenbelt 1 at napadaan ako sa cinema ticket booth. Nakalagay dun na palabas na sa karatig na Greenbelt 3 ang GRETA ni Chloe Moretz, na matagal ko nang inaabangan.

So naglakad ako ulit papuntang Greenbelt 3.

Sa pagkakatanda ko, dalawang beses pa lang akong nakakanood ng pelikula dun.

Una, ang Terminator 3. Then pinakahuli, 'yung Cinemalaya film na BWAYA. Kaya ikinaloka ko kung magkano ang singil ng takilyera sa akin.

400 pesos! Tinanong ko kung 3D, 4DX or IMAX ba ang pelikula, hindi daw. Regular lang daw.

Napasubo na ako, nandun na e. Sayang naman ang 30 minutes na nilakad ko papunta sa venue, 'di ba?

In fairness, yung 400 pesos may kasama nang coupon ng free popcorn at isang bottled mineral water.

Kaso, dalawang oras pa ang screening ng nabili kong ticket kaya nag-ikot ikot muna ako. Naghanap ako ng makakainan ng early dinner.

Tulad ng dati, pang-yayamanin levels ang mga restaurant na magkakatabi sa Greenbelt 3! Yun bang kukulangin ang isang libo mo sa isang meal. Yung tipong isang baso ng lemon iced tea e aabot ng 300 pesos!

I ended up eating in a fast food! Wendy's at Greenbelt 1.

Oo, nakabalik ako ng Greenbelt 1 sa paghahanap ng pangmasang kainan.

At pati ang naorder ko, ewan ko kung pangmasa pa rin. Yung Baconator Mushroom Melt Meal nila e umabot ng 350 pesos!

Ganunpaman, super satisfying naman 'yung bago (sorry, ngayon lang kasi ako nakapag-Wendy's ulit after a long time) Mango Iced Tea nila, mga mamsh! Kahit 'yun lang ang inumin niyo kapag napadaan kayo ng Wendy's, sulit na ang ipinunta niyo dun. Umorder pa nga ako ng isa bago ako umalis ng Wendy's at bumalik ng Greenbelt 3 e.

Ito na nga, nang makuha ko ang free popcorn at mineral water, siyempre pumasok na ako sa loob ng sinehan.

Yun naman pala, kaya pala 400 pesos, lazy chair ang upuan sa loob! Yung kasinglaki ng dental chair at kasinglambot ng mamahaling sofa. First time kong makakaupo sa lazy chair ng cinema house.

Yung 4DX, na-try ko na. Pero itong lazy chair na merong automatic button para mag-extend tapos meron pang sariling mesa sa harap na parang pang-school chair, first time.

Wagi!

Nakakayaman!

Plus, kada row ng upuan, may distansiyang 4 feet! Puwede pang dumaan ang kariton at si Mamang Sorbetero.

At mas malamig ang aircon sa loob compare sa ibang sinehan ha. Oo, nang-iintriga talaga ako.

Ganun ka-komportable sa loob!

Upgraded ang Greenbelt 3 cinema house. Kaya upgraded din ang presyuhan ng ticket!

At ito pa, ang mga kasabayan kong moviegoers, kundi mga afam, inglesero't mga kastilaloy! Mga alta!

Hindi ko ito crowd.

Feeling ko, i don't belong there. Kung magtitili-tili ako dun watching Conjuring 3, sigurado akong marereklamo ako sa security at mai-eject sa loob ng sinehan.

Either way, sulit naman pala ang 400 pesos na ticket.

Meron na akong prospective movie house kung saan ko panonoorin ang X-MEN: DARK PHOENIX.

Enough of this pasakalye't endorsement.

Moving on, here's my hanash sa pelikulang GRETA:

Kuwento ito ng isang waitress sa New York na nakakita ng luxurious bag sa subway. Pinuntahan niya ang address ng ID ng may-ari at sinauli niya 'yung bag. Doon nag-start ang friendship nila ng may-ari ng bag, isang French woman na isang biyuda at longing sa anak na nasa abroad. Nagkaroon sila ng mother-and-daughter bonding dahil si waitress kamamatayan lang din ng ina.

Until madiscover ni waitress na gawain na ni French woman ang pang-iiwan ng bag para lang may maging kaibigan sa pangungulila nito. Natakot si waitress at iniwasan na niya si French woman magmula noon.

Pero hindi 'yun matanggap ni French woman, hinarassed niya ang buhay (trabaho at bahay) ni waitress. Oo, na-obsessed ang gagah kay waitress! Dun lumbas ang pagiging saltik ni French woman. Humeadbanger sa pagiging stalker.

Kung pagbabasehan mo ang trailer nito, 'yun na 'yun na ang pelikula.

Maganda sana ang naitayong mood ng pelikula. May intensiyon itong magpaka-MISERY (Rob Reiner) or 'yung 90s classic thriller movies na SINGLE WHITE FEMALE at THE HAND THAT ROCKS THE CRADLE. Meron sana itong ganung promise e. Pero, sad to say, hindi nakarating.

Nandun na 'yung build-up e. May intensity pero hindi intensify. At hindi nagpakawala sa ending. Parang expored na fountain noong bagong taon na hindi sumabog.

Kinulang.

Tinamad 'yung writer na isipan ng mas magandang ending 'yung pelikula. Yun bang sinabi niya sa sarili niyang "Okay na 'yan, may twist naman e". Mema lang ba. Such a lazy ending.

Sayang. Lahat kasi halos ng elements ng magandang psychological thriller nandito na e.

Cliche man pero maganda ang pagkaka-execute ni Neil Jordan ng mga eksena, na siyang nagdirek ng pelikula.

Hello, siya lang naman ang nagdirek ng paborito kong THE CRYING GAME, THE END OF THE AFFAIR at INTERVIEW WITH THE VAMPIRE! Hindi na questionable ang pagiging mahusay niyang direktor, noh.

Fragile protagonist. Check.

Troubled/psychotic antagonist. Check.

Piano scene (Bakit karamihan ng bahay ng mga psychotic/serial killer, may piano? Upang ma-justify ba ang pagiging musically-inclined nila at isolated sa mga tao... thus making them, lonely people and capable to commit murder?). Check.

Basement scene sa bahay ng killer kung saan may sikretong nakatago. Check na check.

Twist sa ending. Check.

Yun nga lang, walang bago.

Super disappointed sa ending. Kulang sa kapana-panabik na detalye. Masyadong convenient ang resolution. Hindi gaanong pinaghirapan. Walang mahirap na struggle. Walang ganap.

Maganda 'yung build-up e. Pero 'yung ending, walis talaga. After ng twist, ano na?

Kasi, sa tulad kong sucker ng psychological thriller, wala akong nakitang bago. I mean by bago, 'yung magpapataas ng puwet ko sa kinauupuan kong pagkamahal-mahal!

Kahilera lang 'to ng HARD CANDY at CHLOE starring Amanda Seyfreid. Ganung level. Passable pero hindi mo maituturing na classic.

Ganunpaman, hindi naman siya chaka. Treat nang mapanood si Isabelle Huppert sa isang epektibong pagganap bilang tokneneng na babae sa isang Hollywood movie. Ganun din si Chloe Moretz, na mukhang paborito ng horror films. Silang dalawa ay nakapagdeliver ng fine performances. Yun ang sumalba sa pelikula. Kasi kung sina Molly Ringwald at Amanda Bynes lang ang nai-cast dito, tae ang pelikula.

Hindi rin ang pagka-cast ni Stephen Rea sa isa na namang pelikula ni Neil Jordan ang nagpasalba sa pelikula ha. Na parang si DJ Durano sa lahat ng pelikula ni Wenn Deramas lang, laging ka-join. Eugene Domingo sa Dear Uge lang ang peg? Basta may role na masasalpakan, ijojosok.

Fine performances by the two leads but with mediocre ending. A lazy ending, indeed.

Kung crush mo si Chloe Moretz, panoorin at masisiyahan ka. Kung bet mo rin si Isabelle Huppert, watchilei mo na rin para masaksihan ang kanyang acting prowess.

Kung hindi naman, dedmahin mo na lang. Hindi ito kawalan sa nakakatamad mong buhay.

VERDICT:

Tatlo't kalahating banga at ang creepy performance ni Isabelle Huppert na hindi pang-Cannes. Yun lang.

Gretang ina niyong lahat! Ay thank you.

SHAZAM!

Super enjoyable ang SHAZAM!

Ang panonood sa kanya, same treat like watching Home Alone or any great children's movie noong 80s like Goonies or Flight Of The Navigator.

Nakakabalik sa pagkabatang experience!

Mag-e-enjoy ang buong pamilya sa panonood nito!

Kasing simple lang ng Kabayo Kids at Batang X ang plot niya. Hindi kumplikado. Kaya madulas intindihin.

Antokyo na kasi ako kaya maikli lang ang hanash ko about sa pelikula.

Pero sobrang sulit talaga ang panonood ko. Nakakangiti ng ngala-ngala.

Now my favorite Superhero/Children's movie in a long while.

Tuesday, April 9, 2019

LAST FOOL SHOW

Just came from watching Star Cinema's LAST FOOL SHOW written and directed by Eduardo Roy Jr.

Friend ko 'yung director, si Edong. Kilala siya sa indie world bilang mahusay na writer at director. Awarded pa nga locally and internationally 'yung mga pelikula niya (BAHAY-BATA, QUICK CHANGE at PAMILYA ORDINARYO).

Nang mabalitaan ko last year na gagawa siya ng romantic comedy, i'm a bit skeptical. Si Edong gagawa ng rom-com? May doubts and reservations ako para sa kanya. Bakit? Hindi niya ito boses. Ang linya niya e 'yung mga pa-deep na neorealist na papunta nang poverty porn films. Para akong nakabalita ng Principal na nagpa-tattoo ng dragon sa dibdib.

Pero later on, naalala ko, nang makainuman ko ang isang indie filmmaker some years back, nabanggit ko ditong gusto kong kumawala sa paggawa ng gay indie flicks kaso parang hirap na akong makatakas. Feeling ko trapped na ako. Di ko malilimutan ang advice ng nakainuman kong direktor na 'yun: "as a director, hindi ka lang dapat naka-contain sa iisang genre. Puwede kang mag-explore ng iba. At gagawin mo 'yun para mag-grow ka as filmmaker."

At 'yun sa palagay ko ang gustong mangyari ni Edong, ang mag-grow bilang filmmaker.

Hindi dahil napipilitan lang siya sa bandwagon o agos ng uso.

I had the privilege of reading the early draft of LAST FOOL SHOW. Pinabasa sa akin ni Edong. Binigay ko sa kanya ang take ko pero hindi ako 100 % naging honest sa kanya. Hindi ko nasabi sa kanyang "Hindi mo boses 'yan, kapatid" kasi ayokong ma-discouraged siya. First mainstream movie niya 'to. Star Cinema pa. It's gonna be  a hit or a miss.

Knowing Edong, mahilig mangsurpresda 'yan e. Tingin ko nga sa kanya, nabiyayaan siya ng Midas Touch. Everything he touch, turns to gold. Yung kahit hindi ganun kaganda ang concept, mapapaganda niya. Nang mabasa ko ang PINAKAMAHABANG ONE NIGHT STAND Short Film script niya noon, hindi ko ito nagustuhan. May moda pa nga akong "mas magaling akong magsulat kesa sa kanya" nang mabasa ko 'yun e.  Same thing with QUICK CHANGE at PAMILYA ORDINARYO. Hindi rin ako na-impressed.

Pero pagdating sa direction, halimaw! Dun ang bawi niya, sa execution. All of his Cinemalaya films bagged awards, including Best in Screenplay and Best Directing.

You see, alam kong manggugulat siya kaya sinaloob ko na lang 'yung sanang blunt comment ko.

And i was right.        

It's a hit for LAST FOOL SHOW.

Yes, i know, another Star Cinema rom-com movie. Pero this time, hindi ako na-disappoint.

Now my take on the movie:

(Semi-Spoiler Alert!)

Para sa masa audience, kuwento ito ng dalawang Ex na nag-tandem para i-sabotage ang relationship / wedding proposal ng dalawa nilang former lovers  pero sa huli, sila naman ang nagka-developan.

Sa middle class audience, kuwento ito ng magkarelasyon kung saan nakipagkalas si Boy para si Girl ay umarangkada sa career at maging successful dahil tingin niya, siya ang hadlang sa pangarap nitong maging filmmaker.

At para sa mga pa-deep at intellectual audience naman, it's a semi-satirical take on making a romantic comedy movie, 'yung pinagdadaanan ng isang indie filmmaker sa pagagwa ng mainstream  movie. A movie within a movie na kung saan ang central character, no matter how successful she may seemed, nakakaramdam pa rin ng emptiness. Na kailangan niyang maging open-minded pagdating sa love.

Yan ang pelikula.

Yan ang magic nito. Timpladong-timplado para sa lahat ng uri ng audience.

Pag dumiretso siya ng rom-com, mas magugustuhan siya ng masa audience. Pag dumiretso siyang pa-deep, mas madi-dig siya ng middle class or intellectual audience.

Tinimpla nang maayos ng director ang treatment at structure ng pelikula. Polsihed ang aspetong ito.
     
Ang humor ng kuwento, magugustuhan ng lahat ng audience.

Malinis ang cinematography. Highly-commendable ito. Napaka-glossy!

All the elements of a beautiful romantic movie, evident dito:

Relatable/likeable characters na maganda at pogi. Check!

Pasok sa bangang theme song. Check!

Merong dramatic highlights. Check!

Funny scenario for a hearty laugh. Check!

Kilig overload. Check!

Magical moments. (Yung parehong naka-sirena outfit sa isang underwater scene sina Arcy at JM. Winner 'yun. Refreshing siya kasi bago siya) Check!

Bonus na ang pagiging campy ng ilang eksena tulad ng pag-play ng Ocean Deep everytime na may underwater scenes. Literal na nasa ilalim sila ng karagatan, 'di ba? Hahahahahaha.  Baklang-bakla!

Meron lang akong low-points ng pelikula pero mas personal na 'to.

Hindi lang ako solved sa pagkaka-cast kay Arcy Muñoz sa lead role. Hindi niya kasi ako faney. For me, hindi siya perfect sa role. Don't get me wrong ha. Meron naman silang chemistry ni JM De Guzman at naka-deliver naman siya sa character na pinortray niya. Pero kung si Sarah Geronimo o Bela Padilla 'yan, mas iaangat nito ang pelikula.
Well, ako lang naman 'to ha. Kasi sa lahat ng pelikula ni Arcy, isang beses ko lang siya nagustuhan, sa CAMP SAWI at kasama niya kasi doon ang favorite kong si Bela Padilla.

Although walang tapon ang lahat ng Boracay scenes (as in havs na havs lahat ng eksena dun), medyo dragging ang latter part ng pelikula. Kung sana, mas na-concised pa ito sa storytelling, mas maganda.

Pero nagustuhan ko naman ang final frame sa loob ng kotse habang nagro-roll ang end credits. Nakakatanggal ng hinanakit sa pagka-bitter sa pag-ibig. Nakakavavaeh!

Yun lang naman.

Over-all, it's an impressive Star Cinema debut!

Isang pelikulang after mong mapanood e gugustuhin mong makapunta or makabalik sa Boracay para ma-experience 'yung nagawa ng dalawang lead doon.

Watch it, guys! Worth it siya! Showing na siya today!

VERDICT:


Apat na banga at ang suot ni Snooky Serna sa kabaong na parang gula-gulanit na supot ng Chippy sa pagka-glittery.

Thursday, March 28, 2019

EERIE

Kay tagal kong naghintay ng Pinoy horror movie na magpapapikit sa akin sa isang eksena sa loob ng sinehan dahil sa sobrang takot. Finally, dumating na siya.

In recent years, nagawa ito sa akin ng FENG SHUI.

At ngayon nga, nitong EERIE.

Bilang isang certified horror aficionado, meron akong iniidolong mga pinoy horror directors.

Sina Peque Gallaga, Lore Reyes at Erik Matti, part sila ng childhood ko. Dahil sa mga obra nila, mas tumindi at napanatili ang pagiging horror fanatic ko.

Nang medyo tumanda-tanda na ako, enter Yam Laranas.

Recently, pumasok rin sa radar ko si Jerrold Tarog because of Punerarya episode ng SRR at ng Iza Calzado-starrer niyang BLISS.

Welcome MIKHAIL RED sa elite circle! (Meganun?!)

Sila ang mga tinuturing kong directors na faithful sa pinoy horror genre. Alam na alam nila ang pinasok at ginagawa nila. 
Ninanamnam nila ang craft nila kaya nakaka-deliver sila.

Now, my take on EERIE:

(SPOILER ALERT!)

Kuwento ito ng isang guidance conselor sa isang school kung saan sunud-sunod ang suicide na kaganapan ng mga estudyante. Dahil sa kakayahan niyang makakita ng multo, ita-try niya itong ma-solved sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga ito.

Bakit?

Upang ma-redeem ang sarili niya sa pagkamatay ng kanyang kapatid because of suicide noon na hindi niya na-prevent.

Fragile woman. Haunted place. Vengeful Ghost. Mystery-solving.

Tama. Asian Horror formula.

Para siyang pelikula nina Hideo Nakata (RINGU at DARK WATER) at ng Pang Brothers (THE EYE series).

Unsettling ang atmosphere niya. I was expecting a slow-burn horror movie based sa trailer.

Pero hindi e, from start to finish, agitated na agitated ako sa upuan. Yung kumukulo 'yung dugo ko sa sobrang kaba. Pinaghalong takot at kilabot. Patindi nang patindi ang tension na nararamdaman ko sa pag-unfold ng susunod na eksena. Intense siya! Yung konti na lang e magpapakawala na ako ng mahabang tili kapag may pusang itim na tumalon kay Charo Santos para kalmutin ang nunal niya sa mukha. Yung napapapikit ako kapag may sumusulpot na multo. Yung natatakot akong maihi at pumunta sa CR mag-isa dahil baka sundan ako ng starlet na gumanap na multo.

Ganun. Makapanindig-balahibo ang mga jumpscares niya!

Na-miss ko 'yung ganung feeling e. I was in elementary pa nang huli kong maranasan 'yun sa SHAKE, RATTLE and ROLL 2.

Oh, well. Ako lang 'to ha. Kaya iniiwasan kong manood ng ghost movie, kasi super affected talaga ako sa multo-multo na 'yan. Kahit nga sa old pinoy comedy movies noon na may eksenang biglang susulpot 'yung multo sa screen, kinatatakutan ko. Or sa mga Halloween episodes na lang ng Magandang Gabi Bayan ni Noli De Castro rin noon, hindi ko kinakaya 'yung mga ghost segments nila. May phobia ako sa multo. Yan ang prank na kapag ginawa sa akin ng isang kaibigan e hinding-hindi ko talaga siya mapapatawad.

Nari-retain kasi sa memory ko 'yung mga eksena, lalung-lalo na 'yung hitsura ng multo. nagiging photographic memory at nagmimistula siyang flashes sa buong buhay ko. Madalas, lumalabas pa siya kapag mag-isa lang ako or kapag madilim.

Dito sa EERIE, nanghilakbot ako sa isang eksenang hinahatak ni Charo Santos 'yung lubid sa cubicle to reveal 'yung naka-hanged na school girl. Nakakakilabot 'yun.

Taena, isang buwan 'yun na mananatilling vivid sa memory ko bago mawala.

Anyways, kung sino man ang naka-scout ng location ng movie, napakahusay mo. Amperfect ng school sa kuwento.

Parang ganito ko nakikita ang scenario kung paano nag-materialize 'tong movie na 'to e:

Nalaman ni Charo Santos na may pelikula sa Netflix si Mikhail Red. Gusto ng lola mong magkaroon ng streaming movie rin sa Netflix kung saan isa siya sa bida. Kaya't kinontak niya si director at hiningan ng concept para sa kanila ni Bea Alonzo. Mainstream horror, ghost story, sabi ni Charo.

Si Mikhail Red, kasama ng kanyang dalawang co-writers, nagbasa ng Philippine Ghost Stories. Nakapili sila ng magandang kuwentong itu-tweak at pakakapalin.

Sinulat nila ang sequence treatment at pinabasa kay Madam Charo. Revise. Bigyan niyo kami ng magandang eksena ni Bea, 'yung nasa iisang kuwarto lang kami, utos ni Charo.

Second revision. Pinasa.

Wala tayong handle? tanong ni Charo.

Third revision. Ang mga writers nag-incorporate ng 'pambubully sa school". Pinasa ulit.

Masyadong mababaw. Dapat 'yung substancial, sagot ni Charo.

Fourth revision. Sinalpak ng mga writers ang anggulong 'suppression' from catholic school, peers, family, etc. Pinasa ulit nila.

Ipasok niyo sa kuwento si Jake Cuenca, pa-birthday ko sa manager niya, dagdag na hirit ni Charo.

After fifth revision, approved!

Original Title: PHILIPPINE GHOST STORIES The Movie

Change the title, make it eerie, huling utos ni Charo.

Tsaran... EERIE!

There are horror cliches: nagpakamatay na school girl, haunted school, mga multong lumuluha ng dugo at ang mga naka-Chin Chun Zu sa puting mukha ng mga multo. Pero hindi ito annoying.

Bakit?

Kasi effective pa rin siya.

Hindi ito 'yung tipong loud and effects-heavy hollywood horror movie. O nagpapaka-modang "Big Horror Movie Ito" na mala Chito Rono. Walang kagaguhang ganun.

Simply, it's a polished and pretty decent ghost movie that will give you sleepless nights. Gusto niyo ba 'yun?!

Ito 'yung mga pelikulang perfect para sa mga bagong magjowa. Gugustuhin ito ng mga lalaking may bagong girlfriend kasi panigurado, ipagsisiksikan ng mga nobya nila ang mga katawan nito sa kanila sa sobrang takot. Si girlfriend, mafi-fingger nang wala sa oras sa loob ng sinehan.

Happy pepe. Palakpak betlog.

VERDICT:

Apat at kalahating banga!

At ang nunal ni Madam Charo na hindi naglakad na parang garapata sa buong pelikula.

Saturday, March 23, 2019

PANSAMANTAGAL

Sa totoo lang, mas nag-enjoy pa akong panoorin 'tong PANSAMANTAGAL kesa sa ULAN.

Hindi ko sinasabing mas maganda 'to kesa sa pelikula ni Nadine Lustre ha.

Take ko lang 'to.

Bakit?

Kasi ito 'yung klase ng pelikulang sa sobrang payak ng kuwento, sasabay ka sa agos at magiging tahimik, maayos ang paglalakbay mo hanggang sa matapos.

Yung hindi ka pag-iisipin ng malalim.

Yung tipong hindi ka makakapag-comment ng "nakadagdag pa 'to sa iniisip ko".

(SPOILER ALERT!)

Two major lead plus 3 supporting characters na halos nangyari sa iisang lokasyon lang ang kuwento.

Parang GMA Telesine lang noon.

Hindi mo kailangang maging deep para magustuhan ang pelikula.

Wala ngang bago.

Luma na ang mga characters. Isang writer, kerida at babaeng virgin, pinagsama-sama mo sa iisang resort. Batuhan ng mga hugot sa pinagdaraanan nila sa buhay.

Tapos, sa ending reflections sa buhay, ganyan.

Kung mas na-flesh-out nga lang 'yung kuwento, tapos palitan mo ng mas batang artista yung mga bida (hindi sa hindi bagay kina Gelli, Bayani at DJ Chacha 'yung mga role - they performed well pa nga - just to add millennial vibe ba), salpakan mo ng theme song ni Moira, gawin mong si Antonette Jadaone ang direktor at iprodyus ito ng Star Cinema, mas maganda na ito kesa sa ULAN.

Maaaring pumantay pa nga ito sa mga romantic movies ni Jason Paul Laxamana.

Kung old soul ka, writer or mahilig sa beach, maa-appreciate mo ang pelikula.

May sundot din ito sa puso. Mapapatawa at mapapangiti ka rin sa ilang eksena. Aliw ang batuhan ng linya.

But don't expect too much.

Nonetheless, it's a pretty decent romantic movie. Malinis ang pagkakagawa. Di naman masasayang ang bayad mo.

VERDICT:

Tatlo't kalahating banga at ang hindi mawala-walang "malaking titi" sa dialogue ng mga bida. As in, 'yun parati ang punchline ng mga eksena. Na-fixate yata sa humor na 'yun ang writer, hindi niya talaga mapakawalan.

#Pansamantagal

LAST FOOL SHOW Showing on APRIL 10, 2019!

Here's the official poster of Last Fool Show, starring Arci Muñoz and JM De Guzman.

Written and Directed by Eduardo Roy Jr.

In cinemas April 10!

Wednesday, March 13, 2019

ULAN

Kahapon, sinimulan ko ang pagsusulat ng script for Maynila episode. After ng three sequences, nahirapan na akong umaarangkada't magpatuloy. Para akong nawalan ng gasolina at drive sa pagratrat ng mga letra.

Alam ko na, hindi ako recharged.

Matagal-tagal na kasi akong hindi nakakanood ng sine. Lagpas two months na. Last ko pa e 'yung AURORA.

E isa 'yun sa routine bago ako makapagsulat. Kailangan ko ng cinema house ambience para lumabas ang creative juices ko sa katawan. Nare-revitalize ako kapag nakakarinig ng Dolby Surround Sound o dubbed conversation ng mga artista, nakakakita ng opening billboard/end credit rolls at ng moving images sa big screen. I love watching movies.

Kasalanan 'to ni Netflix e. Simula nang mag-subscribe ako sa Netflix,  tinamad na akong mag-effort mag-ayos at dumayo ng sinehan para manood ng pelikula. Dami ko nang napalagpas na pelikula sa sinehan sa first quarter ng taon. Napagkait na ang first-day movie watching experience sa akin. Nakakakuha pa naman ako ng certain high kapag ganun.

So, tumingin ako ng bagong pelikulang palabas diyan sa Robinson's Forum (na 5 minutes bus ride away lang from my place). Buti naman at natapos na ang Captain Marvel Film Festival.

Siyet, may ULAN ni Nadine Lustre.

E nandun si Marco Gumabao!

15 minutes later, nasa bus na ako papuntang Forum.

Enough of this pautot-pasakalye. Namnamin na natin ang pelikula.

(SPOILER ALERT, mga mumsh)

High concept ito. Meaning, sa isang pangungusap, kuha mo na ang kuwento. Tungkol ito sa isang dalagang binabase ang pag-ibig sa ulan at tikbalang, picky kaya't kadalasan e nauuwi sa failed relationship ang love life niya, na nang matagpuan na ang lalaking mamahalin niya, nalaman niyang ito'y isang seminarista.

TOINK.

Bagung-bago ba?

Oo, seminarista. Love versus religion eklatinang bargain.

I swear, gusto kong batuhin ng hawak kong Gong Cha Milk Tea 'yung big screen sa inis ng pa-twist.

It's a big let-down sa tulad kong sucker for movie twists.

Nagsimula ng tahimik ang pelikula... payak na payak. Walang pasabog. Pumik-ap lang siya sa akin nang lumabas na si Marco Gumabao.

Then, nakipaghiwalay si Marco kay Nadine sa kuwento. So, fly na rin ang character ni Marco sa pelikula.

Enter Carlo Aquino.

I was waiting for a pay-off sa character ni Carlo. Sana siya na lang 'yung kababatang mabait kay Nadine sa flashbacks. Why? Yun ang expected sa romantic movie. Somewhat connected ang leading man sa past ng bidang babae. Kilig factor 'yun. Magugustuhan 'yun ng romantic moviegoers.

Pero, walis. Di pinuntahan ng writer. Pinagdamot sa audience.

Pero, huwag ka. Aside lang sa cliche na gay bestfriend character sa pelikula, this romantic movie is quite commendable.

Hindi siya pang-Star Cinema. Nope, hinding-hindi ito ipo-produce ng Star Cinema.

Kung mababasa ni Antonette Jadaone or Dan Villegas ang script nito, sigurado akong kakainan lang nila 'to ng butong pakwan sa conference table at hindi magkakainteres na idirek.

Kakaiba siya.

Parang pinagsulat o pinagdirek mo si Alvin Yapan ng mainstream romance movie. Ganyan. Pa-deep at may element ng folklore.

Tikbalang, besh.

TIKBALANG!

Yun na nga, halos batuhin ko 'yung screen ng milk tea sa walis na twist/revelation sa character ni Carlo.

Nakakayamot.

Pero nang patapos na ang pelikula, nakabawi siya sa ending. Nailiko niya ako. Nadeceived niya akong nakanood ako ng disenteng romantic movie.

Bakit?

Aside sa polished editing, cinematography (Neil Daza, ladies and gentlemen) at directing... havs sa akin 'yung final frame!

E pinakaimportante talaga sa akin ng final frame kapag nanonood ako ng isang movie kasi ito ang pinakahuling mari-retain sa memory ko. Kadalasan, 35% ng ikagaganda ng isang pelikula, para sa akin, naka-base sa final sequence/frame.

Ang pinakanagustuhan ko dito, 'yung allegory ng ulan o bagyo sa luha ng nabigong pag-ibig at 'yung premise sana nitong "matutuloy ang pag-iibigan kahit tumutol ang langit" na hindi natuloy.

Winner 'yun.

Over-all, may sundot sa puso ang pelikula.

Huwag asahan ang kiligan moments kasi kinulang ito doon. Mukhang hilaw pa si Nadine Lustre na humiwalay sa JADINE at magsolo. Kasi kailangan pa rin niya si James Reid sa eksena para mag-shine.

Hindi ko naman masasabing pangit ang movie, hindi ko lang siya panlasa. Para akong nagbasa ng magandang romantic novel or poem pero Philippine Ghost Stories ang hanap ko. Gets mo ba?

Pero itong ULAN, refreshing. Nag-ambag siya ng bago sa lamesa. Kaya hindi nasayang 'yung effort at pera ko sa panonood.

Ang bago dito, ang pag-incorporate ng element ng magic realism sa kuwento. Bihirang-bihira 'yan sa pinoy mainstream romantic movies.

VERDICT:

Tatlo't kalahating banga at ang hindi lumabas na frontal ng tikbalang na inasahan ko pa man din.