Monday, September 17, 2018

SOL SEARCHING


Nakaisa pa lang ako sa TOFARM FILMFEST... ang SOL SEARCHING.

Isa lang, sapat na.

Deserved ng pelikula ang dalawang awards na nakuha nito (People's Choice Award at Best Supporting Actress). Pero deserved din nito ang iba pang awards tulad ng Best In Cinematography, Story at 2nd or 3rd Best Picture man lang.

Ewan ko ha, hindi ko pa napapanood ang mga nag-win sa kategoryang 'yan so hindi ko pa sila ma-compare. Baka bukas ko panoorin, kapag sinipag. For now, ito ang winner sa akin.

SPOILER ALERT!

Ang SOL SEARCHING ay tungkol sa isang public school teacher na namatay. Walang kamag-anak na agad na umasikaso sa bangkay bukod sa BFF niyang co-teacher at estudyante. Dala-dala nila ang ataul sa isang road trip paikot ng bayan para hanapan ng lugar na paglalamayan. Kung anu-anong nakakatawang scenario ang kanilang hinarap mabigyan lang ng disenteng lamay ang patay.

Dark comedy 'to (o 'yung isang seryosong bagay na ginagawang katawa-tawa para maging light).   

Umpisa pa lang ng pelikula, hooked na ako kaagad. Bakit? Kasi ang unang linyang binagsak ng character e mura. Oo, nilaglag kaagad ang P.I. Bomb. Nasiguro kong walang pretensyon ang pelikula. Walang inhibisyon. Matapang.

Tama naman ako dun, very sincere ang storytelling. Honest. At ang pinakaimportante sa lahat, may puso.

Ang ikinagulat ko, nung 2nd quarter ng pelikula, kung kailan na-set na sa akin na ito ay isang celebration of the human spirit film na though black comedy siya, controlled ang tone (which is for me the appropriate tone of the film) e lumabas si Ka Dencio (played by Raul Morit, yung longheradang lalaki sa Biolink shampoo commercial noon) na may kasamang pa-Gong ng Tawag Ng Tanghalan sounds effect ('yung suma-Psycho shower scene scoring).

Na-off ako ng slight. Feeling ko, nagpatawa si Direk (o kung kanino man galing 'yung gimik na 'to).

Hindi lang 'yun ha.

Yung eksena sa tapat ng simbahan na bigla na lang nag-umaga (na parang nag-switch ng ilaw)!

Tapos, 'yung dramatic moment ni Chad Kinis sa lamay scene (trying to recreate Soxie Topacio's ataul scene sa Bwakaw). Ang taas ng eksena! Tapos bigla siyang nag-ask sa bantay kung merong pa-chicken sopas para sa lamay attendees.

Those were laughable scenes! Napahalakhak talaga ako dun. Idagdag mo pa dyan ang cameo appearance ni Chokoleit sa isang riot na eksena. Tawang-tawa ako kay bakla!

Naramdaman ko ang presensiya ni Wenn Deramas sa pelikula.

Naglalaro ang writer/director nito. Parang sinasabi niyang "huwag niyong seryosohin 'tong pinanonood niyo". Yun ang translated sa aking mensahe niya sa umpisa.

Until dumating ang character ni Joey Marquez sa lamay (na nang-agaw ng mic sa videoke at biglang kinanta ang theme song ng pelikula). Finish na. Naked Gun movie na ito.

Saka ko lang nakuha ang cinematic intention ni Direk sa movie nang last quarter na. Ginawa niyang ganun ang mga eksena hindi para magspoon-feed ng laughable scenes kundi magpresent ng quirky scenes to make it funny.

Peculiarity, sometimes, is a source of good laugh. Napag-aralan ko 'yan sa pagbabasa ng comedy writing online. That's intelligent humor.

Sa acting side naman. Well, Pokwang may not be perfect for the role but she delivered a fine performance. Timplado. Hindi siya tumodo sa comedy or sa drama na pareho naman niyang keri. Comedy? Napatunayan na niya 'yan sa Kapamilya shows at Star Cinema movies. Drama? Pinaiyak na niya tayo sa A Mother's Story. No questions about that.

E bakit hindi niya nasungkit ang Best Actress plum?
Simple lang, hindi naman kasi humihingi ng best actress award 'yung role. Hindi ito pang-Best Actress performance. Huwag nang ipilit.

Nasa character ni Sol (played marvelously by Gilleth Sandico) 'yung core ng pelikula kaya siya nag-shine dito at kaya niya nauwi ang Best Supporting Actress award.

Kung paano ang pagtrato sa pagkamatay ni Sol ng mga taong nakapaligid sa kanya ang sentro ng istorya. Paano siya itatrato ngayong patay na siya e nung nabubuhay siya kalaban siya sa politika ng kasalukuyang namumuno sa bayan nila, mataray siya, nananakit ng estudyante, pasaway sa school principal, palamura, hindi likable.

Pero sa mga taong tunay na nakakakilala sa kanya, ang totoo, she's a loving mother, matiising asawa, mabuting kaibigan, harsh magsalita pero totoong tao, tunay na may concern sa sakahan. Makatao.

Siya ang pinependeho ng asawa at BFF niya. Siya ang tunay na biktima.

Misunderstood siya ng karamihan. Ganun.

Na-moved ako ng pelikula kaya ko nasabing deserved na deserved nito ang People's Choice Award. Cultivation, hindi ng pananim, kundi ng pakikipagkapwa-tao ang mensahe ng pelikula. Akmang-akma talaga siya sa tema ng festival, paglilinang.

Pinakanagustuhan ko ditong part e nung gumawa ng instant tribute/program 'yung mga taong na-touched niya ang buhay sa huling gabi ng lamay niya.

Meaning, matagumpay siyang nakapagtanim ng maganda sa selected na tao at nagbunga iyon sa pag-e-effort na mabigyan siya ng disenteng lamay.

Highly-commendable din pala ang cinematography. Nagustuhan ko ang sepiatic color grading nito. Siya ang nagpabalik sa black comedy tone kahit na maraming laughable scenes ang pelikula. Successful ang intention na lamay sa probinsiya ang texture at feel, na alam kong gustong achievin ng pelikula.

Aside from those minor flaws na nabanggit ko kanina, SOL SEARCHING is a pretty decent black comedy about the circus of death. Ihihilera ko ito sa paborito kong black comedies tungkol sa kamatayan: Two Funerals, Ded Na Si Lolo, Patay Na Si Hesus at Dedma Walking.

Kung mas nag-center nga lang sa character ng batang si Bugoy 'yung movie at tanggalin na 'yung epilogic ending (lalung-lalo na 'yung post-credit scene na pagbangon ni Sol sa kabaong), ganito 'yung matindi nating panlaban sa Best Foreign Language Film sa Oscars e. May feels siya ng Children Of Heaven. Yung ang backdrop e probinsiya tapos ang bida e bata. May ganito siyang charm e. Magiging contender ito dun kung sakali.

Tingin ko, may kalulugaran ito sa international film festivals. Mark my words.

Dun sa ibang bansa deserve nitong maipalabas. Kasi mas ma-appreciate nila ito. Kakaiba sa kanila 'yung konseptong funeral na Merry-Go-Round. First time lang silang makakakita ng ataul na nakasakay sa kariton at iniikot sa town buhat-buhat ng isang babae at bata. Ta-tumbling ang mga international audience diyan. I'm sure magugustuhan ito ng international critics.  

Kung naghahanap ka ng pinoy film na merong substance, ito 'yun. Rich in substance pa nga.

Habulin niyo 'to sa sinehan today. Last day na yata ng TOFARM FILMFEST ngayong araw.

VERDICT:

Apat na banga at isang mangkok ng chicken sopas para kina Chad Kinis at Chokoleit na duguan ang noo sa pelikula.

Thursday, August 23, 2018

CRAZY RICH ASIANS


Bestfriend na comic relief, check!
Isyu sa family, check!
At ending sa airport (This time, sa loob ng eroplano), check na check!

Ang CRAZY RICH ASIANS ay isang Star Cinema movie kung hindi lang dun sa mahjong scene na nagpa-elevate ng pelikula.

Yung eksenang 'yun ang 'paglipad ng batang nagbibisikleta sa E.T', 'yung dance scene nina Cristina Ricci at Brad Renfro  sa CASPER' o 'hagdanan scene ni Alma Moreno sa THE RAPE OF VIRGINIA P'.

Yun lang at ang eksena sa eroplano sa ending ang magical moments ng pelikulang ito kung saan ang lahat ng pantasya ng mga social climbers e masasaksihan niyo.

Quiet disappointed ako sa arrival scene ng bidang babae sa kasal. Inaasahan ko, magkakaroon ng "Jennifer Lopez in MAID IN MANHATTAN" factor 'yung pag-arrive niya with that waley dress pero kinulang ng kinang! Hindi pasabog! Walang kagat. Hindi nanakmal.

Well-recommended ito sa lahat ng Pinoys na gusto si Kris Aquino. Nabigyan siya ng importansiya sa pelikulang ito. Makabuluhan ang kuma-cameo appearance niyang role. May moment si Ninang Tetay dito. Hindi siya nabalahura. May napuntahan ang milyon niyang nagstos mapabilang lang sa cast ng pelikula.

It's a decent Cinderella flick. Watch.

VERDICT:

Tatlong banga. Yun lang.

Saturday, August 18, 2018

THE DAY AFTER VALENTINE'S


Nang makita ko ang trailer nitong THE DAY AFTER VALENTINES, nakaramdam ako na "paiiyakin ako ng movie na 'to". Ine-expect ko na 'yun e. It's one of those romantic dramas na ang tanging layunin is to make the hopeless romantic audience miserable without presenting something new at ni hindi man lang minahal 'yung mga characters ng kuwento niya.

Nasurpresa ako dito. No, hindi ako naiyak sa pelikula. Pero nagustuhan ko siya.

Nakadeliver siya. Romantic drama? Yes!

Kuwento ito ng isang broken-spirited guy ('yung halos sumuko na sa buhay at nasa phase na nagse-self-destruct because of a broken relationship) na mami-meet ang isang seemingly strong girl na magpapanumbalik ng kulay sa malamlam niyang pagkatao. At ito ka (Spoiler alert!) Nagka-in love-an sila.

Pero what if si strong girl e isa rin palang broken spirit na may dark past which involved her family? Na kung kailan naman nakabawi na si guy from despair e siya namang downfall nito? May lugar pa ba ang pag-ibig sa dalawa?

At dialogue-driven siya. Meaning, babad sa usapan 'yung movie. Pero hindi siya nakakaantok. Bakit? Kasi perfect 'yung dalawang cast ng pelikula. Kakapitan mo sila.

There's something about Bela Padilla na gustung-gusto ko e. Though, pare-pareho naman 'yung atake niya sa lahat ng characters niya sa romantic movies na nagawa niya pero hindi siya nakakasawa. Bitchesa, feisty, sumbatera, walwalera. Tatak-Bela Padilla 'yan e. Kaya ko nga siya minahal e. Kasi, ganung character ang dapat kong makita at kapitan kapag medyo nanghihina ako.

Yun din siguro ang reason kung bakit puno ang sinehan sa SM Megamall. Primarily, because of Bela Padilla. Yes, puno ang sinehan kahapon ng alas-dos ng hapon. Star Cinema movie levels!

Naisip ko, nag-word-of-mouth sa mga girlie barkadahan ang pelikula.

It's a pretty decent romantic drama. Hindi siya isang terminally-ill movie or 'yung sa ending  e bigla na lang matetegi 'yung isa sa mga bida. Hindi rin siya sumentro sa sex na parang ito lang ang dapat kahinatnan ng isang kumplikadong relasyon or ito ang pinakamagandang solusyon ng mga letseng bida sa isang romantic movie.  

Pinag-isip, minahal at nirespeto ng writer ang mga characters niya kaya 'yun din ang nagtranslate sa mga audience. Hindi niya ito ginawang mga tanga para sundan lang ang sitwasyon o eksena sa pelikula. Nag-mature din ang mga characters kaya nag-mature din ang mga audience. Nanamnamin mo 'yung bawat sinasabi ng character kasi believable sila. Yun bang kahit walang gaanong dramatic highlights or inciting incidents sa plotline at puro dialogue/conversations lang 'yung mga bida e kakapitan mo sila, 'yung kuwento nila at 'yung movie mismo.

Ito rin ang nagawa ng THAT THING CALLED TADHANA noon pero hindi napuntahan ng pelikulang NEVER NOT LOVE YOU ng JaDine, kung saan kaiiritahan mo 'yung kadramahan ng mga characters.  

I'm a fan of Jason Paul Laxamana ('yung writer/director nito). Bakit? Kasi meron siyang pine-present na bago sa pinoy audience or meron siyang ini-incorporate na luma at hinahalo sa mga kuwento niya para magkaroon ito ng bagong bihis. As a writer din, 'yan ang challenge sa akin: kung paano mabibigyan ng bagong flavor or ikot ang kuwento na mas luma pa sa Romeo & Juliet ni Shakespeare.

Sa favorite film kong BABAGWA niya, for the first-time e napanood ko sa Pinoy movie ang tungkol sa Catfishing.  Sa MERCURY IS MINE, pinasok niya sa kuwento ang tungkol sa gold treasure sa Pampanga. Sa 100 TULA PARA KAY STELLA, pinakita niya ang ganda ng Mt. Arayat bilang backdrop ng blooming relationship ng mga bida at ni-reintroduce niya sa mga old souls like me ang ganda ng poetry. Tapos dito sa THE DAY AFTER VALENTINES, nag-introduce din siya ng isang very old filipino writing system na kahit ako e nakalimutan ko na kasi hindi rin 'yun naabutan ng mga lola ko sa tuhod, ang Baybayin.

Kung naghahanap ka ng deep romantic drama na life-affirming... Yung hindi ka mapapa-ugly cry sa malungkot na ending bagkus e matutuwa ka pa sa journey ng mga bida sa dahilang na-naresolved ang issues ng mga characters nila), go see this. Kakaiba siya sa pinoy romantic movies na napanood ko. For the first time e hindi ko sinumpa ang writer ng isang romantic drama. Nakahinga ako nang maluwag kahit semi-malungkot 'yung ending.

Ito 'yung may karapatang magpa-plug ng "Not your typical love story".    

Watch mo ito. Yung title lang ang malungkot pero 'yung movie, hindi depressing.  

Wednesday, August 15, 2018

ANG BABAENG ALLERGIC SA WIFI


Bilang suporta sa pelikulang pilipino, everytime na merong Pinoy Film Festival (na mostly e mga indie film fest), pinipilit kong makanood kahit isa man lang sa mga pelikulang nakalahok. Kung merong budget, nakakadalawa o tatlo ako. At nangyayari 'yan kapag panahon lang ng MMFF kung saan may drama ang awards night. Pero hanggang ganun lang ang kaya kong panoorin, tatlo. Hindi ako karerista ng mga film fest. Hindi ko isinasabuhay ang festival. Tama na ang mahapyawan sila ng munting kontribusyon ng Legit Na Starlet sa pamamagitan ng panonood ng kahit isa man lang pelikula sa fest. Masyadong precious ang oras ng beking daming hanash, noh.

This time, gawa nang dalawa sa kasamahan ko sa work ang part ng production team behind ANG BABAENG ALLERGIC SA WIFI, isa sa mga pelikulang kalahok sa ongoing Pista Ng Pelikulang Pilipino, e pinanood ko ito kanina.

Ang goal ko? Para malait ko silang dalawa at may topic kaming pagtatawanan sa next brainstorming session/meeting namin.

Disappointed ako. Bakit?

Kasi nagustuhan ko 'yung pelikula. Sa katunayan, ito so far, ang pinakanagustuhan kong pinoy romantic movie of 2018. To think na lagpas-kalahating taon na ang nagdaan ha.

Hindi ako mahilig sa romantic movies e. In order for you to take me to watch a romantic film with you sa sinehan, dapat krass ko muna ang bidang lalaki (Ex. Cutting Edge; Everything, Everything). Dapat sa trailer pa lang, nakikitaan ko na ng chemistry 'yung dalawang bida. At dapat sa trailer pa lang, kikiligin na ako.    
    
Dito sa ANG BABAENG ALLERGIC SA WIFI, nakita ko 'yun. Krass ko 'yung bidang lalaki (Jameson Blake) at kinilig ako sa trailer pa lang.

Ang hindi ko lang inakala, maka-crush-an ko rin 'yung bidang babae after watching the film. Oo, si Sue Ramirez na ang bago kong girl crush. Imo-monitor ko ang susunod nitong mga pelikula. She's a sweetheart! Ang cute-cute niya! Napakaganda ng mata. Parang buhay na manika. She's so charming. Tama ang character description niya sa movie, mukha siyang anime. Naalala ko sa kanya si Phoebe Cates. Ganung levels. Vavaeng-vavae.

Opening credits pa lang, naramdaman ko nang magugustuhan ko 'yung movie. Road scene. Light at hindi tight ang eksena. Rom-com feels.

Yung mood na ganun e nagpatuloy hanggang sa magplanong maghiganti ng bidang babae sa La Traidora niyang BFF, ang starlet na si Malak So. Sandali. Bida ng romantic movie, vindictive? I smell something fishy sa tinatakbo ng kuwento ha. Bumigat nang slight.

Pero later on, nabawi naman sa story 'yung paghihiganti nang mabigyan ng forgivable na dahilan at nabigyan ng magandang ikot sa script. Ito ay nang magfocus sa love story ng dalawang bida ang kuwento. At 'yung eksenang 'yun sa telepono na gawa sa lata at sinulid... Potah. Bumulwak ang mens ko sa kilig!

So back sa smooth na daan ang kuwento. Nagkaroon ng unti-unting realization si bidang babae na napapamahal na siya kay guy dahil mas may time at effort ito sa kanya kesa sa boyfriend niya. Habang si guy naman ay mas napapamahal na kay girl pero hindi pa rin niya maamin ang secret love niya dito sa takot na ma-reject siya nito at baka malaman ng kapatid niya na boyfriend ni girl. Lumalalim ang love story. Kiligan. Kiko Matos dramatic highlights. Kingkingan.

Sa tulad kong old soul at lone wolf, napapangiti ako sa mga eksena kung saan nakikita ko ang old typewriter (naabutan ko ito), tape recorder, board games, etc. Remnants ng 90s era. Bigla kong naalala 'yung kabataan ko. Yung road trip at exploration ng probinsiya with your friends, check na check sa akin 'yan. Iniimagine kong ako 'yung bidang babae sa mga eksenang 'yun.

Hanggang sa last part ng movie. Kung saan, nagimbal ako sa pa-ending ni Mayora. Hindi ko kinaya. Tumulo ang luha ng Legit Na Starlet. Naiyak ako! Kung bakit, 'yan ang dapat mong malaman pag pinanood mo ang pelikula.

Kung boy ka, parang first time mong nakaranas ng pag-ibig sa pinanood mo. Ganung pakiramdam. Sasamahan ka nitong mag-explore ng first love mo. For me, it's refreshing, in the sense na sa lahat ng pinoy romantic movies na napanood ko this year, ito ang kaaya-aya at believable na lengguwahe ng mga kabataan. Hindi pilit na nagpapakilig o nagpapa-drama ('yung mahugot). Timplado lang.

At napaka-glossy ng movie! Ang linis-linis. Pang middle-class millennials.

Ganito 'yung pelikulang ine-expect kong mapanood kina JoshLia o Kathniel pero most of the time, i ended-up disapponted sa sobrang pagkapilita corrales ng complicated plot na parang nag-i-struggle na lumayo sa ibang romantic movies. Dito sa ANG BABAENG ALLERGIC SA WIFI, nagpresent sila ng payak na kuwento na may puso. Ganun kasimple. Wala nang severe hugotan moments na parang 'yun ang binayaran ng moviegoers sa sinehan, ang makarinig ng hugot monologue mula sa mga bida.

Story first, before linyahang hugotan. Yan ang bentahe ng movie. Yung magandang story.

Sa lahat ng pelikula ni Direk Jun Lana, ito ang pinakanagustuhan ko. Sa BWAKAW, nalungkot ako at natakot tumanda. Sa BARBER'S TALES, sumakit ang ulo ko dahil sa migraine attacks kaya 'di ko tinapos sa sinehan. Sa DIE BEAUTIFUL (Ang pelikula kung saan lahat ng pantasya ng isang bakla ay nagkatotoo), ang dami kong isyu at katanungan after the movie. Pero dito, plantsado lahat ng characterization at story. Hindi ka maguguluhan. Bago mag-roll ang end credits, ang mga tanong mo sa kuwento, nasagot na lahat sa pelikula. Wala nang pa-open/ended or subjective endings. Kung ano ang inexpect ko sa trailer, 'yun ang nasaksihan ko sa pelikula.
                                                                                                                             
Kung gusto niyong kiligin at maiyak, well-recommended ko sa inyo 'to, mga mamsh at paps. Watch it this week sa ongoing Pista Ng Pelikulang Pilipino.

 Para siyang romantic movie based sa novel ni NIcholas Sparks. Ganung feels.

VERDICT:

Apat na banga at isang pares ng gagumbilyang mata ni Sue Ramirez.

Friday, August 10, 2018

THE MEG



Kauuwi lang from watching THE MEG.

Kuwento ito ng isang laos na higanteng pating na nabulabog ng mga scientist/oceanographer sa ilalim ng dagat kaya't nagcomeback picture bilang Supershark at nagmaganda sa China, gumawa ng eksena sa isang populated beach resort doon. Kung paano siya pinatahimik at muling binaon sa limot ng mga scientist, 'dun umikot ang buong pelikula.

Ito 'yung pelikulang binigyan ng go-signal ng producers at sinabi sa creative/production staff niya: "Magiging box-office ito sa China! Kaya pasakan niyo ng anything na singkit".

Basically, it's a Hollywood movie made for chinese moviegoers. Bakit? Gawa nang malaking porsiyento ng kita ng isang hollywood movie sa ngayon e galing sa chinese market.

Bakit?

Unang-una, ang leading lady ni Jason Statham dito ay chinese actress na bumi-Bea Saw ng PBB o maputing version ni Maymay Entrata. Pilit ang pagtatambal nilang dalawa ni kalbong Transporter. Ang awkward ng romantic angle ng dalawa. Walang ka-chemistry-chemistry!

Pangalawa, set sa China ang paghahasik ng lagim ni Supershark.

Pangatlo, ang unang nategi e isang Chinese guy. Pang-elevate ba ng tension.

Pang-apat, may mga panaka-nakang chinese dialogue ang mga chinese characters.

Panglima, sandamakmak ang chinese extras.

Pang-anim, ang theme song ng movie na pinatugtog sa closing credits e chinese version ng MICKEY ni Toni Basil. Mapapakunot-noo ka na lang talaga at maniningkit ang mga mata mo kung bakit 'yun ang ginawang theme song ng movie. Ano'ng konek? Producers, paki-explain.
       
Buti na lang, hindi tsekwa ang higanteng pating dito kasi kung ginawa din nilang intsik ang Supershark, mapapa-chinese garter na talaga ako sa sinehan.

Pinaka-highlight ng pelikula e nang hiwain ni Jason Statham ang katawan ng higanteng pating  para sana gawing relyeno at pinutakti ito ng maliliit na pating. Pinagtulung-tulungan ng mga sharklets ang mapagmagandang Supershark. Oo, kinuyog nila!

Ayan kasi, kabagu-bago lang sa Oceanlandia e nagmamaka-Supershark na kaagad. Nagpapansin at gumawa ora-orada ng eksena. Ayaw ng mga sharklets nang ganyan!

Ito 'yung mga pelikulang magugustuhan ng tiyahin mong nagbabasa ng komiks noon o nagbababad sa mga telenobela sa hapon. Yung mga tipo ng moviegoers na bumabase sa visuals ang story. Wa na care sa dialogue o sa plot mismo. Kung ano ang makita sa screen, 'yun ang paniniwalaan.

Para sa kanila 'to. Mapapatili sila dito. Mapapapadyak, mapapasabunot at mapapamura sila sa katabi habang hinahabol ng pating ang mga sakang sa dagat. At pag-uusapan nila ito ng kapitbahay nilang kapwa-tsismosa kinabukasan. Or baka i-rekomenda pa nila ito sa iba.

"Uy, napanood mo na ba 'yung THE MEG, 'yung tungkol sa higanteng pating? Panoorin mo, maiihi ka sa suspense! Ang ganda!". Yan ang magiging dialogue niya sa'yo.

Pagtinanong mo siya ng "Bakit maganda?"

Maghanda ka sa sagot na: "Basta maganda siya. Action/Adventure!"

Pero kung may deep understanding ka ng pelikula, pagtatawanan mo ito. Laughable siya.

Para siyang budgeted na B movie. Oo, siya ang pinakaginastusang B movie. Para sa chinese audience. Ganun.

VERDICT:

Dalawang banga at isang discount coupon sa Chowking na expired na.

Saturday, August 4, 2018

ML (Cinemalaya 14 Film)


Nakaisa na ako sa Cinemalaya 14, ML starring Eddie Garcia and Tony Labrusca.

Here's my take on ML (written and directed by Benedict Mique):            

Kuwento ito ni Carlo, isang middle class college student na pinuntahan at ininterview ang isang Martial Law former soldier sa bahay nito para sa kanyang school assignment. Sa loob ng bahay ng sundalo, hindi na siya pinalabas, iginapos at ikinulong pa sa basement nito. Di nagtagal, napapunta pa ng ex-soldier ang kaibigan at girlfriend ni Carlo sa bahay hanggang sa tatlo na silang bihag nito. Ano ang nangyari sa tatlong burgis na millennials? Ano ang ginawa sa kanila ni ex-soldier? Ano ang kahindik-hindik na naganap sa basement?

Yan ang dahilan kung bakit mo dapat panoorin ang pelikula. Para masaksihan mo ang sinapit ng boylet kong si Tony Labrusca at dalawa pa niyang kasama.
   
This is not for the faint of heart. Madugo at karima-rimarim ang sinapit ng mga bida dito. It's a knockout thriller! Kung mahina ang sikmura mo or madirihin ka, hindi mo ito kakayanin. In the same vein siya ng DONT BREATHE. Magka-level ng mood and tension.

Meron kang maririnig na mapapatili, mapapapadyak at mapapamura sa audience. Kung may kasama ka pang pabebeng GF, makakaranas ka ng panaka-nakang suntok sa balikat.  

Alam ko, ito ang unang pelikula ni Tony Labrusca. Puwes, hindi siya nagkamali sa pagtanggap sa role. Pang-Carlo Aquino ang material pero nakadeliver siya! For a newcomer, nakitaan ko siya ng promise sa acting. Napaka-refreshing niya sa screen. Yung tipong inosente na hindi mo akalaing bababuyin after 20 minutes lang sa pelikula.

Ewan ko, pero ikinatuwa kong makakita ng burgis at kumu-konyong millenials na pinahihirapan sa pelikula. At least this time, hindi lang mahihirap, manggagawa or aktibista ang tino-torture sa isang pinoy crime/political movie. Isang estudyanteng konyo pa.

Successful ang pelikula na ipadama sa audience ang horror ng Martial Law. Na tulad ng sinapit ng mga inosenteng bida sa kuwento, ang mga sinapit ng Martial Law victims noon ay hindi nabigyan ng hustisya. Hanggang sa lumipas na lang ang panahon at nagsitandaan/nangamatay na lang ang mga salarin noong panahon ng Martial Law, nganga pa rin ang mga inosenteng biktima. Horror ng Martial Law.

At matagumpay na nailahad 'yan ng director sa pamamagitan nitong maindie film na 'to. Oo, maindie. Sapagkat mainstream ang approach nito ngunit political/indie ang tema. Napagtagumpayan ito ng direktor. Isang feat na pahirapang ma-achieve ng ibang filmmakers at lumalabas na pretentious ang pelikula.  

Dama kong hindi ito umaambisyong mag-Best Picture. Kasi saan ka ba naman nakakita ng torture film na nanalong best picture? Alam kong ang intensiyon dito ng writer/director e upang ipadama ang Horror ng Martial Law sa henerasyong ito. Isang intensyon na nakamit ng pelikula.

Ganunpaman, kung kalahok lamang ito sa Horror/Fantasy/Thriller Festival, ito (for me) ang mag-uuwi ng Best Picture. Runaway winner!

Or, malay natin, baka ito na ang kauna-unahang torture film na mananalong Best Picture sa isang generic festival. Hindi na ako masa-shocked. Mahilig namang manggulat ang  Cinemalaya.

Though, hindi na original ang concept nito. Tingin ko, inspired ito or nanghiram ng elements ang writer/director nito sa novella ni Stephen King. Yung APT PUPIL, na nagkaroon din ng film adaptation noong late 90s starring Ian McKellen at Brad Renfro. Tinweak lang 'yung ibang detalye.

Sa APT PUPIL, Nazi criminal si Ian. Dito sa ML, Martial Law ex-soldier si Eddie Garcia. Sa APT PUPIL, menor-de-edad na obsessed sa Nazism si Brad. Sa ML, isang burgis na college student na may assignment lang sa Martial Law si Tony. Sa APT PUPIL, psychological torture ang ganapan. Dito sa ML, up one level, physical torture na humo-Hostel! Ganyang level.

Itong ML, parang pinoy version ng APT PUPIL na si Eli Roth ang sumulat at nagdirek.

Kung isa lang akong producer na naghahanap ng baguhang direktor na magri-remake ng KISAPMATA or TAGOS NG DUGO, ipagkakatiwala ko ito sa direktor nito. Kampante akong mabibigyang hustisya niya 'yung mga pelikulang nabanggit ko. Alam niya ang gamit at magic ng dugo sa silverscreen at ang proper timing ng suspense para maging karima-rimarim ang makikita ng moviegoers sa isang thriller na pelikula.

If you're looking for a thrill ride sa Cinemalaya, watch this. Well-recommended sa mga mahihilig sa torture films.

VERDICT:

Apat na banga at sampung timbang tubig with Ariel panlinis sa mga dugong nagkalat sa buong pelikula.

Thursday, August 2, 2018

BUYBUST


Totoo ang hype sa BUYBUST movie ni Erik Matti.

Ang angas ng pelikula!

Kuwento ito ng anti-drug enforcement agency dito sa Pilipinas na nagsagawa ng paglusob sa isang squatter's area sa Manila upang dakpin ang isang druglord doon. Kung paano sila makakalabas ng buhay sa loob ng lugar kung saan pinamumugaran ng mga taong halang ang kaluluwa't normal na ang pagpatay, 'yun ang buong pelikula.

Pinakanagustuhan ko sa movie e ang grit nito. Napakadumi ng texture nito. Nakatulong ang cinematography na parang ambience ng beerhouse gamit ang tama ng iba't ibang kulay ng ilaw. Matagumpay na na-execute ng pelikula ang pagmi-mix ng color temperatures. Nakatulong ang ulan (ang basang kapaligiran) at ilang pagkislap ng kuryente sa milieu na slum area. Epektibo 'yung mga 'yun at na-achieve ang cinematic effect.

Naalala ko tuloy 'yung Brazilian film na CIDADE DE DEUS (CITY OF GOD) na after watching it, pakiramdam ko hindi na ako safe sa community na tinitirhan ko. Same mood and grit.

Sa tulad kong nakaranas nang maging parte ng film production, alam kong sobrang hirap ng dinanas ng mga tao behind the production of this film. Batid kong nahirapan silang i-mount o i-orchestrate ang mga blockings ng crowd sa mga eksena sa squatter's area. Pero na-achieved nila ito.    

Mukhang malaki ring impluwensiya kay Direk Erik Matti si Quentin Tarantino at ilang Korean crime filmmakers sa sandamakmak na violence ng pelikulang ito. Kung sa ON THE JOB niya noon e dumanak ng dugo, dito sa BUYBUST, umulan ng dugo! At kung 'yung ON THE JOB e pinalakpakan ko, dito pati paa ko tumaas sa sobrang pagka-satisfied ko sa panonood. This, for me, is Erik Matti's magnum opus.

Though mahilig siyang gumawa ng horror movies, pang-crime movies siya! He should make more socially-relevant action/crime movies. Na-master na niya ito e. Mukhang dito siya kumportable. Maliwanag ang statement niya bilang filmmaker sa pinupunto ng mga socially-conscious movies niya.

Though, hindi na bago ang concept nitong BUYBUST na parang tinweak lang 'yung Indonesian action film na THE RAID at binago ang milieu at lead characters. Instead na sa building ang ganap, sa squatter's area. At instead na lalaki, ginawang babae ang protagonist. Tapos, hinaluan lang ng social issue.

Pero sinira nito ang tropes ng Pinoy Action movies noon:

Unang-una, babae ang bida. At dahil babae ang bida, walang leading lady na bold star or aging dramatic actress na kailangan ng comeback project.

Pangalawa, walang kangkangan o pasilip ng utong ng leading lady na bold star.

Pangatlo, walang mga bumabox-type na lumang kotseng pinasasabog.

Pang-apat, walang abandoned building na kuta ng mga sindikato.

Pang-lima, walang nanay or lola na pipiliting magpapasuko sa bida sa kapulisan. Walang ganung pampadagdag-eksena.

Pang-anim, walang bigote ang mga bida at kontrabida.

Ito ang KITA KITA ng Pinoy Action movies. Binasag nito ang kabaduyan ng pelikulang Aksiyon.

Yun lang, it's a near perfect pinoy action movie sana kung hindi lang sa isang eksenang very pinoy:

Sa ending, dumating ang mga pulis. Pero walang wang-wang sound effect.

Kung ako si Anne Curtis, iiyak ako after watching this film. Napanood ko na kung gaano kalayo ang iginaling ko sa pag-arte mula sa isang banong inggliserang Prinsesa sa Magic Kingdom. Ito ang pelikulang maipagmamalaki ko hanggang sa pagtanda ko.

Sobrang sulit ang bayad. Effortan at huwag palampasin.

VERDICT:

Apat at kalahating banga lang. Near perfect na nga sana kaso hindi man lang nagpakita ng abs ang bortang si Brandon Vera. Nakakabitin.